Huling Awit Para Kay Ginoong M sa Planetang Lupa
Isang orihinal na akda ni Francis Rubio
Mahihintay mo bang lumubog ang araw?
Na lumipas ang ulap na kumukubli sa buwan?
Mamamalakaya ka ba sa pusod ng dagat
Sa tanglaw ng mga bituing kumukutitap?
Sa landas mo ako itong munting gabay
Sasagip sa iyo sa madilim na lambak ng makapal na karimlan
At sa muli nitong pagsikat ay mamamahinga
Nang huwag nang maging saksi sa inyong muling pagkikita
Dahil kahit paglahuin ng araw ang bituin kung umaga
Nananatili siyang nakabantay
Ang sentinelyong nakaabang sa muling
Pagsapit ng gabi na ako namang muli ang iyong kasintahan
Husto na ang daupang-palad na salawahan
Sapat na ang hiram na panahong nasa dilim ang kaganapan
Dahil kahit ako'y bituing dakila't marilag
Sikat ko sa iyo'y isa lang kutitap na walang pangalan
(Ang larawan sa SEO ay kuha ni Benjamin Voros at nakuha mula sa Unsplash.)